Dating mayor sa Camiguin, arestado dahil umano sa korapsiyon

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2019 09:17 PM

Inaresto ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group ang dating mayor ng Mahinog, Camiguin dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Setyembre 9 naglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan laban kay Alex Jajalla, 62 anyos.

Nitong Miyerkoles, inihain kay Jajalla ang arrest warrant sa bahay niya sa Barangay Hubangon sa bayan ng Mahinog.

Sinentensiyahan ng 7th Division ng Sandiganbayan si Jajalla ng hindi bababa sa anim na taong pagkakabilanggo dahil sa reklamo noong 2008 nang aprubahan ng dating mayor ang 6-month leave with pay ng kaniyang kapatid na nagsilbing security officer niya.

Nasa kustodiya pa ng Mahinog Police si Jajalla pero nakatakdang itong dalhin sa Quezon City para ipresenta sa korte ng Sandiganbayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.