'Budget sa pagkain ng mga preso sa Correctional lumiit'

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2019 08:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa 3,200 ang nakakulong sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong, ang piitan ng mga babaeng nasentensiyahan na.

Nasa P70 ang budget ng Bureau of Corrections (BuCor) kada preso para sa pagkain buong araw.

Pero ayon sa isang caterer sa CIW, P39 lamang ang budget.

"'Yong budget noong 2017, P70 pero still P39 pa rin po ako," ani Angie Bautista, caterer sa CIW.

Nauna nang binatikos sa Senado ang uri ng pagkain ng preso.

Kinuwestiyon ng abogado ni Bautista na si Aaron Pedrosa kung saan napupunta ang natitirang P31 mula sa itinakda ng Kongreso na P70 kada araw na budget sa pagkain.

"Napunta ba 'yan sa inmates o supposed recipients? Eh binabanggit, P39, saan napunta 'yong difference?" ani Pedrosa.

Sa tala ng ABS-CBN Investigative and Research Group, P661 milyon ang naka-budget sa pagkain sa BuCor sa mga preso sa buong bansa at P33.6 milyon dito ay para sa CIW inmates.

Sa P33.6 milyon, P21.7 milyon ang nakalaan sa caterer, mababa nang halos P12 milyon sa orihinal na budget.

Maliit na nga, hindi pa umano nababayaran nang buo ng BuCor si Bautista.

"'Yon pong retirement ko na inilaan ko sa business, natangay pa... tapos 'yong mga supplier ko, may mga nagdedemanda na, ako pa ang naiipit," ani Bautista.

Bukod pa sa obligado si Bautista na pakainin nang libre ang may 20 opisyal ng CIW, binabawasan pa siya ng buwis.

Hindi bagito sa mga kulungan si Bautista dahil dati siyang warden ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Noong 2015, binulgar ni Bautista ang anomalya sa pagpapakain sa mga inmate sa ilalim ng BJMP.

Ayon naman sa Department of Justice (DOJ), ipakukuha nila ang records ng BuCor para imbestigahan ang isyu sa pagkain.

Ang mga ganoong isyu raw ang dahilan kung bakit dapat nang mabalik sa DOJ ang mga transaksiyon ng BuCor.

-- Ulat ni Henry Omaga Diaz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.