ALAMIN: Parusa sa magbebenta ng mga nakaw na cellphone

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2019 11:46 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nagbanta noong Lunes ang lokal na pamahalaan ng Maynila na ipasasara nito ang 2 mall dahil sa pagbebenta umano ng mga nakaw na cellphone.

Sabi kasi ng mga awtoridad, naroon daw sa 2 mall ang stalls na bumibili at nagbebenta ng second hand na cellphones at iba pang mga accessory na hinihinalang mga nakaw.

Ayon kay Atty. Claire Castro, may paglabag sa batas ang mga nagbebenta ng mga ninakaw na cellphone, alinsunod sa Anti-Fencing Law o batas laban sa pagbebenta ng mga nakaw na gamit.

"Ito ay mga tao or anything pati kompanya na magbebenta ng nakaw na bagay with intent to gain. Gustong kumita. Magbenta, mag-dispose, magpalit ng gamit na nakaw o walang legitimate na pinanggagalingan at alam nila... Dapat alam nila na ang gamit ay nakaw [bago mapanagot]," ani Castro sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM, Martes.

Ayon sa batas, prision mayor o 6 hanggang 12 taong pagkakakulong ang maaaring parusa sa sino mang lalabag ng Anti-Fencing Law.

Maaari namang ipasara ang mga mall na kumukunsinte sa mga nagbebenta sa mga nakaw na gamit, lalo na kung wala itong permit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.