7 volunteer tanod sa QC tiklo sa panggagahasa, pangingikil

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2019 08:00 AM | Updated as of Sep 18 2019 11:00 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA - Inaresto ang 7 volunteer tanod sa Barangay Commonwealth, Quezon City dahil sa umano'y pangingikil sa isang drug suspect at panggagahasa sa asawa nito.

Reklamo ng ginang na si alyas Susan, pinasok ng 8 tanod ang kanilang bahay nitong Biyernes at inaresto ang kaniyang asawa dahil kasama umano ito sa drug watch list.

Pagdating sa barangay hall, iginiit umano ng mga tanod na may nakuhang shabu sa asawa ni Susan at hiningian ito ng P50,000 para hindi ikulong.

Dahil walang pera, inialok ng mag-asawa ang kanilang motorsiklo sa mga tanod. Pero inutusan din umano ng mga ito si Susan na manghingi pa ng pera sa kaniyang mga kaanak.

Sinamahan ng mga tanod si Susan, pero nagulat na lang aniya siya nang dalhin siya sa motel, kung saan siya ginahasa ng 2 sa mga tanod.

Ipinatubos din aniya ng mga suspek sa mag-asawa ang kanilang sariling motorsiklo sa halagang P30,000.

Dito na nagsumbong ang mag-asawa sa police Criminal Investigation and Detection Group, dahilan para maaresto ang 3 sa mga tanod, kabilang ang isa sa mga gumahasa umano kay Susan.

Narekober sa kanila ang mga drug paraphernalia na itinanim umano nila sa mag-asawa.

Nakatakas naman ang isa pang suspek sa entrapment operation habang isinuko ng Barangay Commonwealth ang 4 pang tanod sa CIDG.

Inihahanda na ang reklamong rape at robbery extortion laban sa mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.