4 carnapper arestado sa Taytay, Rizal

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2019 01:51 PM | Updated as of Sep 18 2019 08:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Apat na suspek sa carnapping ang naaresto noong nakaraang linggo sa bayan ng Taytay, Rizal, ayon sa pulisya.

Nahuli ng mga awtoridad sina Fernan Oroceo at Junnel Delgado matapos masangkot sa aksidente sa Barangay San Juan noong madaling araw ng Sabado, ayon kay Police Lt. Col. Christopher dela Peña, hepe ng Taytay police.

Walang naipakitang official receipt at certificate of registration ang 2 suspek nang hingan ng mga pulis matapos sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo, ani Dela Peña.

Inamin ng 2 na ninakaw nila ang motorsiklo sa Taguig.

Nakuha rin sa 2 ang isang ice pick.

Samantala, nahuli ng Taytay police noong madaling araw ng Biyernes sina Archie Fernandico at Jeffrey Patriarca.

Nasita ang 2 sa may Damayan Street dahil sa pagbiyahe sa motorsiklo nang walang suot na helmet.

Bigo sina Fernandico at Patriarca na magpakita ng katibayang pag-aari nila ang sinasakyang motorsiklo.

Nahanap ng pulisya ang may-ari ng motorsiklo na nagsabing ninakaw ang behikulo noong Setyembre 12 sa Barangay San Juan.

Nakita rin sa surveillance footage ang pagtangay nina Fernandico at Patriarca sa motorsiklo.

Kabilang ang 2 suspek sa grupo ng mga kawatan, ayon kay Dela Peña.

Dati nang nahuli ang 4 na suspek dahil sa mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

Nakadetene na ang 4 sa Taytay Municipal Police Station at sinampahan ng mga kasong carnapping, paglabag sa batas trapiko, at illegal possession of bladed weapons.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.