2 anak ng jail warden, arestado ng PDEA

Cris Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2019 11:29 AM

Nakaposas na ang isa sa dalawang arestadong magkapatid na nahuli sa isinagawang search operation ng awtoridad sa Cagayan de Oro City. Cris Angelo Andrade, ABS-CBN News

Arestado ang dalawang magkapatid sa inilatag na search warrant operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 10 sa Barangay Carmen sa Cagayan de Oro City, Miyerkoles ng umaga.

Ayon sa PDEA, ang magkapatid na suspek ay mga anak ng jail warden ng Misamis Oriental Provincial Jail.

Unang target ng PDEA ang kuwarto ng 35-anyos na lalaki kung saan nakuha ang 11 sachet ng hinihinalang shabu. Limang sachet naman ng shabu ang nakuha sa nakababata nitong kapatid na nakatira sa kanilang boarding house ilang metro lamang ang layo sa kanilang bahay.

Tinatayang nasa P170,000 ang kabuuang halaga ng nakuhang droga sa magkapatid.

Ayon kay PDEA 10 Regional Director Wilkins Villanueva, kapwa nasa drug watchlist ng barangay ang magkapatid.

Inakusahan din niyang protektor ang jail warden dahil itinago niya umano ang mga anak sa awtoridad.

Nagbanta siyang kakasuhan ang jail warden at hinamong bumaba na sa kaniyang puwesto.

Itinanggi naman ng jail warden ang akusasyong pinoprotektahan niya ang mga anak. Pinagsabihan na aniya ang mga ito.

Nakatakda na rin siyang magretiro sa Disyembre na inaprubahan na ng gobernador.

Samantala, kapwa itinanggi din ng mga suspek na sa kanila ang nakuhang droga pero aminado silang gumagamit ng shabu.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.