Suplay ng tubig ng Maynilad, balik-normal na

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2018 03:08 PM

Matitigil na ngayong Martes ang limitadong suplay ng tubig ng Maynilad matapos mabawasan ang "turbidity" o paglabo ng raw water sa Ipo Dam, sabi nitong Martes ng water concessionaire. 

Sa isang pahayag, sinabi ng Maynilad na bandang alas-6 ng umaga nitong Martes, naging "manageable" na ang nibel ng turbidity sa Ipo Dam.

"Given this development, Maynilad is lifting the implementation of the rotational water availability schedules today," anang Maynilad.

Nag-anunsiyo noong Linggo ang Maynilad ng rotational water availability o paglimita ng suplay ng tubig sa ilang lugar sa Metro Manila, Bulacan at Cavite, na tatagal sana hanggang nitong buong araw ng Martes.

Nagkakaroon ng turbidity sa Ipo Dam dahil doon bumagsak ang mga gumuhong lupa mula sa mga nakapalibot na bundok, bunsod ng mga pag-ulang dala ng bagyong Ompong.

Sa kabila nito, hinikayat pa rin ng Maynilad ang mga kostumer na mag-ipon pa rin ng tubig sakaling magkaroon ulit ng malakas na pag-ulan na maaaring magdulot ulit ng turbidity.

Humingi din ng paumanhin ang Maynilad sa mga apektadong kostumer.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.