Patay sa pananalasa ni Ompong umakyat na sa 74: PNP

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2018 01:26 PM

Lumobo na sa 74 ang patay sa pananalasa ng bagyong Ompong sa bansa, ayon sa inilabas na partial report ng Philippine National Police (PNP) national operations center nitong Martes. 

Animnapu sa mga nasawi ang nasa Cordillera Administrative Region habang 10 ang mula sa Cagayan Valley. Walang sinabing datos ukol sa apat na iba pa. 
    
Sa ngayon, 55 pa ang napaulat na nawawala dahil sa bagyo habang 20,000 indibidwal pa rin ang nananatili sa iba't ibang evacuation centers.

14 bangkay sa Itogon landslide narekober

Samantala, 14 na ang nakuhang bangkay sa landslide area sa barangay Ucab, Itogon, Benguet sa ikatlong araw ng retrieval operations.

Mayroon ding nakuhang parte ng katawan mula sa puspusang paghahanap ng responders.
    
Ipinaskil din ang mga pangalan ng 60 indibidwal na nawawala pa.
    
Ibinase ang listahan sa report ng mga kaanak ng mga residente na pawang mga minero.
    
Pahirapan pa rin ang operasyon dahil makipot at matarik ang daan pababa sa mismong site kaya hindi makapagdala ng mga heavy equipment.

Isinisisi ni Mayor Victorio Palangdan ang nangyaring sakuna sa pocket mining.

Nitong Martes ay tuloy-tuloy pa rin ang pagde-deploy ng team mula sa command center sa pagpapatuloy ng retrieval operations.

—Ulat ni Justin Aguilar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.