Panukalang 2019 budget, may 'isiniksik' na P55 bilyong 'pork'?

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2018 05:11 PM | Updated as of Jan 06 2020 04:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bigo pa ring matalakay ng Kamara ang panukalang 2019 budget - ang panggastos ng gobyerno sa susunod na taon - sa gitna ng gusot sa umano'y P55 bilyong halaga ng "proyekto" na isiningit ng nakaraang liderato. 

Dalawang araw nang naaantala ang pagsisimula ng budget deliberations kung saan balak himayin sa plenaryo -- o sa harap ng lahat ng mga kongresista -- ang ulat ng appropriations panel -- isang mas maliit na komiteng nauna nang humimay sa budget. 

Ayon sa records, Setyembere 11 pa isinumite para maikalendaryo na sa plenaryo ang ulat ng appropriations panel. Pero nakatengga pa rin ito hanggang ngayon sa rules committee -- isang komite na siyang dapat magtakda kung kailan ang diskusyon.

Inirekomenda ng appropriations committee na aprubahan ng Kamara ang budget proposal ng Palasyo nang walang pagbabago ngunit hindi ito makausad matapos magreklamo ang may 50 kongresista na may P55 bilyon umanong inilaan ang dating liderato para sa mga piling mambabatas.

Nagkagirian pa umano nitong Lunes at, ayon sa mga source, may mga tangkang palitan sina appropriations committee chair Karlo Nograles at House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa isyu.

Wala naman umanong alam si Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon sa umuugong na ipapalit siya kay Nograles ngunit inamin niyang marami na ang nagtatanong sa umano'y isiniksik na karagdagang P55 bilyon sa budget. 

"Sinasabi may nakalagay na. Distributed na merong iba-ibang items totalling P50 plus billion. There's a move to slash it. Slash ang narinig ko," ani Biazon.

Iginiit naman ni Albay Rep. Edcel Lagman wala siyang alam kung may P1 bilyon ngang nilaan sa distrito niya sa 2019.

Wala rin umanong alam ang Palasyo sa mga sinasabing siningit sa panukalang 2019 budget at ipinaubaya na lang sa Kamara ang pag-arangkada nito. 

—Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.