Lalaki, patay nang maputulan ng mga paa habang nangingisda

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2018 01:08 PM | Updated as of Sep 19 2018 06:54 AM

Dinala na ang mga labi ni Danny Sanchez sa Pagadian City. Naputol ang dalawang paa ni Sanchez nang mabuhol ang ginamit nilang fishing line habang nangingisda.

ZAMBOANGA CITY - Patay ang isang mangingisda matapos aksidenteng maputol ang kaniyang dalawang paa dahil sa fishing line sa karagatan malapit sa isla ng Tumalutab sa Zamboanga City noong Sabado.

Ayon sa pulisya, nangingisda si Danny Sanchez at ilan nitong kasamahan nang aksidenteng mabuhol sa kaniyang mga paa ang ginagamit nilang fishing line.

Nahatak ng malakas na alon ang fishing line dahilan para maputol ang kaniyang mga paa.

Namatay habang sakay ng fishing boat ang biktima, ayon sa kaniyang asawa. Marami umanong nawalang dugo kay Sanchez at hindi siya agad nabigyan ng paunang lunas.

Tanggap naman ni Anjanet na aksidente ang nangyari. Hindi lang daw malinaw sa kaniya ang ilang detalye kung paano nangyari ang aksidente.

Sa kabila nito, hindi na pinaimbestigahan pa ni Anjanet sa pulisya ang pagkamatay ng kaniyang asawa.

Dinala na sa Pagadian City, Zamboanga del Sur ang mga labi ni Sanchez Martes ng madaling araw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.