Ilang bahagi ng Luzon, lubog pa rin sa baha dulot ng 'Ompong'

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2018 09:06 PM | Updated as of Jan 06 2020 04:10 PM

Tatlong araw matapos lisanin ang Philippine area of responsibility (PAR) ng bagyong Ompong, lubog pa rin sa baha ang ilang bahagi ng central at northern Luzon. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Lubog pa rin ang 22 sa 29 barangay ng Calumpit, Bulacan matapos ang delubyong dala ng bagyo. 

Nasa ikalawang palapag pa ng kanilang mga bahay ang baha dahil sa taas ng tubig sa lugar. 

Paliwanag ng Calumpit disaster management office, matinding ulan ang ibinagsak ng Ompong sa kabundukan ng Nueva Ecija noong Sabado. Bumaba ito sa Candaba basin at dumeretso sa Pampanga river, kung saan nag-overflow ang tubig at umagos sa Calumpit. 

"Tumataas pa ang tubig, may mga lumikas pa kaninang umaga, at inaasahan po namin mga isang linggo bago pa humupa itong tubig,” ani Gerardo Oliver Belen ng Calumpit Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office. 

Mahigit 100,000 katao ang naitalang lumikas sa mga evacuation center sa bayan dulot ng baha. 

Suspendido rin ang klase sa lahat ng antas sa Calumpit. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Abot-bintana naman ang baha sa isang paaralan sa Pampanga, kaya’t sinuspende pa rin ang klase sa ilang bahagi nito. 

Pangamba ng kapitan ng Barangay San Agustin na si Marcelo Dela Peña na maaaring madagdagan pa ang makeup classes ng mga estudyante at mabawasan pa ang mga bakasyon nito.
 
“Apektado po, nag-makeup pa sila, usually bakasyon na nag-aaral pa sila,” aniya. 

Sa Ilocos Sur, nasira ang mga silid-paaralan ng Malingeb Elementary School. Sa Paratong Elementary School naman sa bayan ng Sta. Catalina, tinangay ng hangin ang bubong ng kanilang library museum. 

Sa Batac, Ilocos Norte naman, nabasag ang bintanang salamin ng mga gusali ng Mariano Marcos State University. Nakabilad naman sa araw ang mga nabasang libro at pamplets ng Salbang Elementary school sa bayan ng Paoay.

Lubog rin ang ilang paaralan sa Pangasinan tulad ng elementary school sa bayan ng San Fabian. Sinuspende ng Dagupan City ang klase dahil sa bahang pinalala pa ng high tide. -- Ulat nina Gracie Rutao at Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.