Ex-barangay chairman pinatay sa harap ng mga anak

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2018 10:22 AM

MANILA - Patay ang isang dating punong barangay matapos pagbabarilin sa harap ng kaniyang 4 na anak sa Pandacan, Maynila ngayong Martes. 

Nakilala ang 57-anyos na biktimang si Buanito Buan ng Barangay 849. 

Kuwento ng isang residente, pumasok ang 4 na lalaking naka-helmet sa bahay ni Buan, umakyat sa ikalawang palapag at saka ito binaril sa kabila ng pagmamakaawa ng mga batang anak na katabi lang niya. 

Maliban sa 4 na suspek na pumasok sa loob ng bahay, may isa pang lookout sa labas, base sa kuha ng CCTV. 

Nitong isang linggo, nakuhanan din ng CCTV ang pagpasok ng isang grupo ng mga lalaki sa bahay ng isang barangay tanod sa lugar. Hindi naman nila sinaktan ang opisyal. 

Inaalam pa ng pulis ang motibo sa pagpatay kay Buan, na tumakbo pero natalo nitong nakaraang barangay elections. 


Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.