Davao Police, maghihigpit matapos mahuli ang kabaro sa buy-bust

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2018 09:50 AM

Magsasagawa ng mas mahigpit na background check ang Davao Police bago tumanggap ng bagong trainees.

DAVAO CITY – Maghihigpit ang Davao police sa pagtanggap ng bagong miyembro matapos masangkot ang isang kabaro sa ilegal na droga.

Inatasan na ni Police Regional Office 11 director Chief Superintendent Marcelo Morales ang Regional Intelligence Screening Committee na magsagawa ng background check sa mga police trainee bago tanggapin at mapabilang sa kanilang puwersa.

"Kailangan talaga magsagawa ng operation para makuha talaga ang mga ito, para ‘di na maparisan pa at matularan ang magbabalak pa. Higpitan natin ang disciplinary machinery," ayon kay Morales.

Nitong Biyernes, nahuli sa buy-bust operation si PO1 Querubin Cris John Ferido na nadestino sa Regional Police Holding and Accounting Office (RPHAO-XI).

Mula 2016, aabot na sa 19 miyembro ng PNP-XI ang nakasuhan dahil sa pagkasangkot sa illegal na droga.

Pero 11 sa mga ito ang na-dismiss ang kaso habang ang isang pulis ay na-demote ang ranggo at pito naman ang natanggal sa serbisyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.