2 sa 3 batang nalunod sa Tullahan River, natagpuan na

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2018 10:47 AM | Updated as of Sep 18 2018 03:43 PM

MAYNILA - Natagpuan ng mga awtoridad nitong madaling araw ng Martes ang dalawa sa tatlong batang nalunod sa Tullahan River sa Valenzuela City noong Linggo.

Tinangay ng malakas na agos ng tubig ng ilog ang tatlong bata noong hapon ng Linggo matapos nilang piliting kuhanin ang nilalarong bola, base sa paunang impormasyong nakuha ng rescue team.

Bandang alas-2 ng madaling araw, Martes, natagpuan ang bangkay ng 10 anyos na si Ian Salud.

Makalipas ang higit isang oras na paghahanap, natagpuan din ang bangkay ng 10 anyos na si Kerby Tejadilla.

Patuloy namang pinaghahanap ang kuya ni Kerby na si Rheniel, 13 anyos.

Katuwang sa paghahanap sa mga bata ang mga miyembro ng Valenzuela disaster management office, Valenzuela Bureau of Fire Protection at Philippine Coast Guard.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.