1 sugatan sa pag-atake ng NPA sa estasyon ng pulis

Lorilly Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2018 01:01 PM

BUTUAN CITY – Sugatan ang isang pulis sa pag-atake ng tinatayang 50 miyembro ng New People’s Army (NPA) sa istasyon ng pulisya sa Barangay San Mateo sa lungsod na ito, Martes ng madaling araw.

Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital si PO1 Ritchel Gulandrina na natamaan ng bala sa kaniyang paa.

Ayon kay Senior Inspector Henry Samillano, nakatanggap na sila ng banta ng mga rebelde kaya’t palaging alerto ang kanilang mga tauhan.

“Prior to the incident, naka-receive na po kami ng information na may consolidation po ang NPA sa AOR (area of responsibility) namin so naka-alert po ang tropa namin,” sabi ni Senior Inspector Henry Samillano.

Pumuwesto ang mga rebelde sa may tulay ng Subait at tumagal ng 10 minuto ang bakbakan.

Pangatlong insidente na ito ng pag-atake ng mga rebelde sa mismong istasyon. Una noong Nobyembre 2017 at sinundan nito lamang Abril.

Sa kabila ng insidente, patuloy pa rin ang pagdaos ng kapiyestahan ng barangay ngayong araw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.