PatrolPH

UST student, kumpirmadong nasawi sa hazing: autopsy

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2017 01:25 PM

MANILA - Napatunayan sa autopsy na hazing ang ikinamatay ni Horacio Castillo III, law student ng University of Santo Tomas, inanunsyo ng Manila Police District, Lunes.

Inatake sa puso ang 22-anyos na estudyante dahil sa "massive injury" mula sa hazing, ayon kay Dr. Milagros Provador ng MPD Scene of the Crime Operatives.

Kabilang aniya sa mga tinamong injury ni Castillo ang hematoma o pamumuo ng dugo sa magkabilang braso.

Kuwento ni Horacio Castillo Jr., ama ng biktima, ayaw sana niyang payagang sumali ang anak sa Aegis Juris Fraternity, pero tiniyak nito na walang hazing sa initiation rites, na limitado lang umano sa paglilinis, simpleng utos ng mga miyembro o pagkanta sa publiko.

Napapayag aniya siya dahil ipinaliwanag ng anak na maging ang dean ng UST Civil Law ay miyembro ng naturang fraternity.

Nakapasa si Castillo sa initiation at nagpaalam sa mga magulang na dadalo sa overnight welcoming rites ng fraternity nitong Sabado. Nangako pa umano itong magsisimba kasama ang pamilya kinaumagahan.
 
Pero hindi na nakauwi si Castillo.

Natagpuan ng isang residente ang kanyang bangkay sa bangketa sa Balut, Tondo Linggo ng umaga. Dinala ang estudyante sa ospital pero binawian din ng buhay.

Ala-1 Lunes ng madaling-araw, nahanap ng pamilya ni Castillo ang kanyang bangkay matapos makatanggap ng anonymous text message ukol dito.

Ayon sa ama ng biktima, tadtad ng pasa ang katawan ng anak at mayroon ding mga paso ng sigarilyo at kandila.

"I took care of that child. They took our child away from us. Right now, I just want my son," sabi ng nakatatandang Castillo.

"I want justice for my son. Pinatay nila ang anak ko."

Patuloy ang imbestigasyon ng MPD. Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.