UST student, hinihinalang namatay sa hazing

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2017 06:47 AM | Updated as of Sep 18 2017 03:57 PM

MANILA - (UPDATED) Isang estudyante ng University of Sto. Tomas na hinihinalang biktima ng hazing ang natagpuang patay ng kanyang pamilya sa isang ospital sa Sampaloc, Maynila Lunes.

Kinilala ang biktima na si Horacio Castillo III, 22-anyos na first year law student.

Sabado ng gabi nagpaalam ang biktima na dadalo sa welcome rites sa pinasukang lehitimong fraternity sa UST, ayon sa kanyang mga magulang na sina Horacio Jr. at Carmina Castillo.

Nagtaka na lang anila sila na hindi na ito bumalik sa bahay.

Pasado ala-1 Lunes ng madaling-araw, nakatanggap ang mag-asawang Castillo ng anonymous text message na nasa Chinese General Hospital umano ang biktima at wala nang buhay.

Lumabas naman sa inisyal na ulat ng Manila Police District na Linggo pa ng umaga nahanap ang katawan ni Castillo na nakasilid sa isang bag na iniwan sa bangketa sa Balut, Tondo.

"There was a good samaritan na Chinese, tiningnan niya what was in the bag. Noong makita niyang tao, dinala niya po sa Chinese General -- dead on arrival," sabi ng ama ng biktima sa panayam ng ABS-CBN News.

Ayon sa mga mga magulang ni Castillo, una nang tiniyak sa kanila ng anak na walang hazing na naganap sa pagpasok nito sa fraternity. Dahil dito, ikinagulat anila nang makitang puno ng pasa sa katawan ang biktima -- senyales umano na isinalang ito sa hazing.

"Mayroon siyang mga hematoma. His body is bloated... Nakita ko, there was extensive damage in the upper arm and some burn marks, cigarette burn marks. Pinatakan ng candle wax," sabi ng ama ni Castillo.

Isasailalim sa autopsy ang mga labi ng estudyante.

Umapela ang kanyang pamilya na lumutang ang mga maaaring nakasaksi sa pagkamatay ni Castillo.

"Sana naman ma-konsensya sila. He was only 22 years old, he was robbed of his future. Sana lumabas na sila. Tell everything, tell the truth," sabi ng ama ng binata.

May ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.