Upuan sa tren ng MRT, nasunog; mga pasahero, pinababa

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2017 09:36 AM | Updated as of Sep 19 2017 01:42 AM

MANILA - Panibagong aberya ang sumalubong sa mga pasahero ng Metro Rail Transit Line 3 dahil sa maliit na sunog sa ilalim ng passenger seat sa isang bagon, Lunes.

Dakong alas-6 ng umaga nang nag-signal ang driver ng tren habang papalapit ito sa Santolan Avenue Station. Nang inspeksyunin, nakitang nasusunog ang regulator sa ilalim ng upuan, ayon kay Transportation Undersecretary Cesar Chavez.

Pinababa ang mga pasahero sa nasabing istasyon. Mabilis namang naapula ang apoy gamit ang fire extinguisher ng bagon.

Balik-normal na ang operasyon ng MRT-3 habang dinala sa depot ang tren para ayusin.
 
Noong nakaraang linggo, nasa 17 beses nagka-aberya ang biyahe ng MRT-3. May ulat nina Bianca Dava at Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.