'Tindig Pilipinas', hindi hiling ang pagbibitiw ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2017 11:14 PM

Inilunsad nitong Lunes, Setyembre 18, ang grupong "Tindig Pilipinas" na lalaban sa umano’y patuloy na patayan sa ilalim ng kampanya kontra ilegal na droga ng kasalukuyang administrasyon.

Ilan sa mga sumali sa grupo ang mga senador at kongresista ng minorya kabilang na sina Senador Risa Hontiveros, Senador Antonio Trillanes IV, at Senador Francis Pangilinan kasama ang mahigit 50 miyembro ng civil society, at iba pang organisasyon.

Paliwanag ng grupo, hindi naman nila hinihiling na magbitiw o tanggalin sa puwesto si Pangulong Duterte.

Nais lamang daw nilang baguhin ng Pangulo ang sistema nito sa pagpapatupad ng kampanya kontra ilegal na droga, ang foreign policy, at ang tila pagiging "diktador" niya.

Kasali din sa grupo ang ilang dating miyembro ng gabinete at kaalyado ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III. 

Ayon sa kanila, hindi ito tungkol sa mga Aquino kung hindi tungkol sa kapakanan ng publiko.

Nataon namang nalalapit na rin sa ika-45 anibersaryo ng martial law sa Setyembre 21 ang pagtatatag ng Tindig Pilipinas.

Sinabi na ni Duterte na hindi holiday ang Setyembre 21, kundi isang "National Day of Protest".

Pero ang ilang kongresista, suportado ang naunang sinabi ng Pangulo na balak niyang gawing holiday ang Setyembre 21 upang walang masaktan sa mga protestang mangyayari.

Samantala, itutuloy pa rin ng pamahalaan ang nationwide earthquake drill sa Setyembre 21. 

Hinala ng Tindig Pilipinas, sinasadya ng administrasyong isabay ang naturang earthquake drill para walang pumunta sa mga anti-martial law rally.

Gayumpaman, tuloy pa rin ang mga inihandang gawain ng grupo sa darating na Huwebes gaya ng misa sa University of the Philippines Diliman chapel, ang "Barikada Youth Concert", at ang pagtitipon sa Rizal Park.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.