Fariñas, humirit ng 'parliamentary immunity' sa batas-trapiko

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2017 10:13 PM | Updated as of Sep 19 2017 01:58 AM

Iginiit ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas na pribilehiyong nakapaloob sa Konstitusyon ang hindi paghuli sa mga mambabatas na lalabag sa batas pantrapiko.

Nitong Lunes, Setyembre 18, tinalakay sa pagdinig ng House Committee on Transportation ang iba't ibang suhestiyon para maibsan ang matinding trapiko sa Kamaynilaan.

Sa gitna ng diskusyon, hiniling ni Fariñas na mabigyan ng “parliamentary immunity” o huwag nang hulihin ang mga mambabatas na lalabag sa mga batas-trapiko habang papuntang Kamara. 

Dagdag pa ni Fariñas, dahil sa tindi ng trapiko, nale-late ang ilang mambabatas kaya hindi sila nakaboboto o nakadadalo sa ilang sesyon sa Kamara.

Paliwanag ni Fariñas, maaari namang isuko mismo ng House Speaker ang mambabatas na lumabag sa batas trapiko kapag natapos na ang sesyon.

Iginiit din niyang saklaw ng Saligang Batas ang hindi pag-aresto sa mga lumalabag na mambabatas.

Pinagbasehan ni Fariñas ang Section 11 Article 6 ng Konstitusyon na nagtatakdang hindi maaaring arestuhin ang mambabatas habang nasa sesyon ang Kamara.

   Section 11, Article VI ng Konstitusyon:

  A Senator or Member of the House of Representatives shall, in all offenses punishable by not more than six    years imprisonment, be privileged from arrest while the Congress is in session. No member shall be    questioned nor be held liable in any other place for any speech or debate in Congress or in any committee    thereof.

Wala namang naging tugon kaugnay nito ang kinatawan ng Metropolitan Manila Development Authority na nasa pagdinig ng Kamara. -- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CB News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.