Binatilyo, nalunod sa beach sa Puerto Princesa

Cherry Ann Camacho, ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2017 07:20 PM

PUERTO PRINCESA CITY- Patay ang isang 12 taong gulang na batang lalaki nang malunod sa Nagtabon Beach, Barangay Bacungan nitong Sabado.

Kinilalang ang biktima na si Keanu Ray Requilman, residente ng Puerto Princesa.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Irawan Police, nagkaroon ng salu-salo ang pamilya Requilman sa Nagtabon Beach bilang pagdiriwang sa kaarawan ng biktima.

Matapos na kumain ang bata ay agad na naligo ito sa dagat. Pero matapos nito ay hindi na nakita ang bata.

"Bale itong victim natin dito ay nagse-celebrate nung birthday niya, so around 12:45 nung hapon nitong Sabado... pumunta itong victim doon sa medyo malayong part, 20 meters away doon sa tabi ng dagat and then bigla nalang nakarinig yung pamilya ng mga sumisigaw na may nalulunod na..." ani Police Inspector Felix Rivera, Station Commander ng Irawan Police.

Sinubukan naman ng ilang residente na i-revive ang biktima. Nahirapan din ang mga residente na tumawag sa mga rescuer dahil sa hina ng signal ng komunikasyon sa lugar.

Dumating ang Kilos Agad Action Center at dinala ito sa pagamutan pero idineklara nang dead-on-arrival ang biktima.

Samantala, hindi ito ang unang insidente nang pagkalunod sa Nagtabon Beach.

Bukod kasi sa malakas ang current ng tubig sa Nagtabon, ang kakulangan sa lifeguards at safety precaution ang inireklamo ng mga bumibisita sa Nagtabon Beach.

Paalala naman ng mga awtoridad sa mga turista at bisita na kailangan pa rin ng ibayong pag-iingat kapag maliligo sa dagat at siguruhing laging nababantayan ang mga bata.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.