MAYNILA -- Dalawang linggo matapos mangyari ang malagim na sunog sa t-shirt factory sa Tandang Sora, Quezon City noong August 31, naiuwi na rin sa kani-kanilang pamilya sa Occidental Mindoro ang labi ng mga nasawi.
Ito ay matapos na makilala na sa isinagawang DNA test ng PNP Crime Laboratory ang mga sunog na katawan ng mga biktima.
Kasama ang mga pamilya, sinundo sa punerarya sa Quezon City ng Occidental Mindoro Provincial Social Welfare Office ang mga naka-cremate ng mga labi ng mga biktima.
Pagdating sa Occ. Mindoro, naging madamdamin ang pagsalubong ng mga pamilya at ng local na pamahalaan sa pangunguna ni Governor Eduardo Gadiano.
Binigyang-pugay ng lokal na pamahalaan ang sakripisyo ng mga nasawi para mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga pamilya.
Ayon kay Occ. Mindoro PSWDO Head Sally Lamoca, nakakadurog ng puso na makita ang kalagayan ng mga pamilya ng mga nasawi.
Pawang mga breadwinner ng kanilang pamilya ang mga biktima.
"'Yung isang bahay na pinuntahan namin, ang daming naasa sa kaniya. 'Yung isa may PWD na talagang siya ang nagbubuhay, 'yung isa anim ang mga kapatid [na] hindi pa nga nakakabili ng mga school supplies, umaasa sa kanilang mga padala," kuwento ni Lamoca.
Nangako rin si Gov. Eduardo Gadiano na tutulong pa rin ang provincial government para makapagsimulang muli ang mga naulilang pamilya.
"Si governor kanina nagsabi na mabibigyan pa niya ng livelihood yung 11 pagkatapos na ito ay makapag-settle down. Open naman muli ang provincial government na makatulong sa kanila,” dagdag ni Lamoca.
Nagtulong-tulong ang mga mayor ng bayan ng Rizal, Sablayan at San Jose gayundin ang PSWDO, Gov. Eduardo Gadiano, Vice Governor Diana Apigo Tayag, Quezon City Mayor Joy Belmonte at DSWD para sa mga gastusin sa pagki-cremate at pag-uuwi sa kanilang mga bayan ng mga nasawi.
Nagbigay na rin umano ng P50,000 each ang may-ari ng nasunog na t-shirt factory.
-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News
KAUGNAY NA ULAT
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.