MAYNILA — Isiniwalat ni Sen. Richard Gordon nitong Biyernes ang pagbili ng mga executives ng Pharmally Pharmaceuticals Corp. ng luxury cars matapos masungkit ang bilyon-bilyong halaga ng kontrata sa gobyerno para sa PPE supplies, na sinasabing "overpriced" pala.
Sa ika-7 pagdinig ng Senate blue ribbon committee, ipinakita ni Gordon ang mga kotseng nabili ng mga opisyal ng Pharmally, batay sa mga dokumentong nakalap niya mula sa Land Transportation Office (LTO).
Nariyan ang Porsche 911 Turbo ni Pharmally corporate secretary Mohit Dargani na may presyong P8.5 million at ang P25 milyong Lamborghini Urus ng kapatid niyang si Twinkle Dargani, Pharmally president.
Si Pharmally director Linconn Ong naman, nakabili ng Lexus at 2 Porsche na nagkakahalaga ng halos P29 milyon.
"Wow! Napakagaganda ng sasakyan ng mga pinagtatakpan ng Pangulo! Mr. President, meron pa po kayong panahon para magbago. Iwas kayo nang iwas para sa mga tao ninyo na nagpapakasasa," sabi ni Gordon.
"Ewan ko kung na-check na ng BIR ang mga taong ito," dagdag ng senador sa hearing.
Sinagot din ni Gordon ang mga banat at banta sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte, na patuloy na binabatikos ang Senate hearing.
"Mahirap kayo tangkilikin because you don't act like a president. Hindi ko ho kayo binoto, Mr. President. Today, I tell you, you are not the president the Filipino people can respect. You are a cheap politician," maanghang na patutsada ni Gordon.
Binuweltahan ni Gordon ang patuloy na pagtatanggol ng Pangulo kina Michael Yang at dating Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) Undersecretary Lloyd Christopher Lao at iba pang sangkot sa Pharmally deal.
"Tigilan niyo na 'to Mr. President... May fraud, may waste and abuse... I stand on my record, I will pray for you, and for our country. I prayed for you, believe it or not, because you need it. Nag-aral kayo sa Catholic school pero wala kayong natutunan," banat pa ni Gordon.
Sinuportahan naman ng mga kapwa niya senador si Gordon.
"My admiration for Sen. Gordon for the courage that he assumed. Mabuhay ka, Dick," sabi ni Sen. Franklin Drilon.
"I thank you for your courage and we take you for your zeal," sabi ni Sen. Kiko Pangilinan.
—Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.