PatrolPH

Lalaki pinagtataga dahil sa pangangantiyaw sa Ilocos Norte

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2021 11:36 PM

Isang 23-anyos na lalaki ang inaresto matapos niyang pagtatagain ang kaniyang 42-anyos pinsan sa bayan ng Solsona, Ilocos Norte nitong Martes ng gabi. 

Ayon sa pulisya, nakatira sa iisang bahay sa sa Brgy. Bagbag ang magpinsan. Natutulog ang biktima nang tagain siya ng suspek. 

Nagtamo ng sugat sa baba at leeg ang biktima. Isinugod siya sa ospital pero idineklara siyang dead-on-arrival.

Ayon sa hepe ng Solsona Police na si Police Lt. Belen Baoit, nag-ugat ang insidente nang kantiyawan umano ng biktima ang suspek na maliit lamang ang kinita nito sa kaniyang mga ibinentang mga pakwan. 

Sumama ang loob ng suspek sa pangangantiyaw ng biktima.

"Normal sa magkakamag-anak, mga magkakasama na naglulukohan lamang sila. Kinantiyawan nila ang suspek na ang naging kinita lamang nito sa pagbebenta ng pakwan ay P80 na hindi maganda ang naging dating nito sa kaniya kaya sumakit ang loob nito," ani Baoit. 

Sumuko ang suspek sa mga awtoridad at kakasuhan ng kasong murder.

— Ulat ni Grace Alba

KAUGNAY NA ULAT

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.