Habang wala pang OK ni Duterte: Distancing sa PUVs balik-1 metro muna

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2020 01:54 PM | Updated as of Sep 17 2020 09:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) - Habang hinihintay pa ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, balik muna sa 1-metrong distansiya ang patakaran sa mga pampublikong sasakyan matapos ang naunang utos na bawasan ito.

"Balik 1-meter distancing po muna tayo sa pampublikong transportasyon habang wala pa pong desisyon ang Presidente kung pupuwede itong maibaba sa 0.75 meters," ani Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang press briefing.

Maaalala na nitong Lunes ay ibinaba sa 0.75 metro ang kailangang distansiya sa pagitan ng mga pasahero sa loob ng mga public utility vehicles, mula sa 1 metrong physical distancing na ipinatupad para maiwasan ang paglaganap pa ng COVID-19.

Pero may iilang grupo at mga opisyal, kabilang si Health Secretary Francisco Duque III, na tumutol dito sa pangambang madadagdagan ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Nagdulot din umano ng kalituhan ang patakaran sa unang mga araw na ipinatupad ito, at nanawagan ang ilang mayor ng Metro Manila—ang itinuturing na episentro ng COVID-19 pandemic sa bansa— na pag-isipan ang panuntunan na ito.

Ikinatuwiran naman ng ilang miyembro ng pandemic task force ng bansa na may dagdag-proteksiyon naman sa pagsusuot ng face shield at masks ang mga pasahero.

Mismong si Department of Transportation (DoTr) Secretary Arthur Tugade na raw ang nagpanukala sa pagpupulong ng IATF meeting na panatlihin muna ang 1 metrong distansiya.

Para kay RJ Naguit, miyembro ng Akbayan Youth, mas mainam kung personal na maranasan muna ng mga opisyal ang pag-commute ng isang buwan bago magpatupad ng ganitong mga polisiya.

"Kung hindi nila kaya gawin ito kasama ang mga mahal nila sa buhay bakit nila pipilitin ang karaniwang Pilipino na sundin ito. Kung gusto nila, sila ang mauna," ani Naguit.

Tutol naman ang DoTr sa hamon.

"Hindi na po kailangang tanggapin ang hamon dahil ginagawa na ni Sec. Tugade ang hamon. Ang dapat na maging basehan ng arguments ay mga arguments ng medical experts na patuloy na pinag-uusapan tungkol sa isyu na ito,” ani DoTr spokesperson Goddes Hope Libiran.

Nagpasa na ng rekomendasyon at pag-aaral ang mga miyembro ng gabinete na nasa IATF kay Duterte.

— May ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.