Ginang na naglaba sa bakuran nang walang face mask pinagmumulta ng P1,000

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2020 08:07 PM | Updated as of Sep 18 2020 10:58 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Viral sa social media ang video ng isang ginang na naglalaba sa kaniyang bakuran pero pilit na sinisita dahil wala siyang suot na face mask.

Sa Duhat compound sa Barangay Marcelo Green, Parañaque nangyari ang na-video-han na pagtatalo sa pagitan ni Dina Mapayo at mga awtoridad

Naglalaba sa labas ng kaniyang bahay si Mapayo at wala siyang face mask kaya pilit siyang pinapagalitan ng mga tauhan ng task force.

"Hindi ko naman kailangan ng face mask habang naglalaba... Ang alam ko 'pag lumalabas mag-face mask," giit ni Mapayo.

Hanggang sa huli, nanindigan pa rin si Mapayo at hindi sumama sa mga awtoridad.

"Ngayon nagre-resist kayo. Within 3 days aalamin po namin ang pangalan niyo, papadalhan namin kayo ng summon. Mas lalaki ang problema niyo," anang isa sa sumita sa ginang.

Dahil sa di pagsusuot ng mask, pinagmumulta ng P1,000 si Mapayo. Napaluha ang ginang dahil sa umano'y kalabisan ng mga awtoridad.

"Masyado na silang abusado sa mga mahihirap na kagaya namin," emosyonal na sabi ni Mapayo.

Depensa ni Mapayo, dahil maliit lang ang kaniyang bahay ay sa labas siya naglalaba. Wala pang isang metro ang layo nito sa kanyang bahay.

Ayon kay Parañaque Mayor Edwin Olivarez, pinaiimbestigahan pa niya ang insidente.

Umani ng sari-saring komento sa social media ang insidente.

—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.