Alkalde sa Quirino na nagbitiw dahil sa sakit, pumanaw na

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2020 09:51 AM | Updated as of Sep 17 2020 11:43 AM

Pumanaw nitong Miyerkoles ang alkalde ng Maddela, Quirino na kamakailan lang ay nagbitiw sa puwesto dahil sa hindi mabuting kalusugan.

Kinumpirma ang pagpanaw ni dating Mayor Florante “Pong” Ruiz, 61, ng lokal na gobyerno ng Maddela sa isang Facebook post.

Nagbitiw si Ruiz noong nakaaraang Biyernes, September 11, dahil sa “health condition” na hindi idinetalye.

Sa kaniyang personal Facebook account, nagpasalamat si Ruiz sa kaniyang mga kababayan nang siya'y magbitiw sa pwesto.

“Awan patengga nga panagyaman ko kadakayo amin nga umili ti Maddela iti inted yo nga agnanayon a suporta, talek ken ayat kanyak. Mabuhay ang bayan ng Maddela,” aniya.

(Walang hanggang pasasalamat sa inyong mga kababayan ko sa Maddela dahil sa ipinamalas ninyong suporta, tiwala at pagmamahal sa akin. Mabuhay ang bayan ng Maddela.)

 

Nasa kaniyang unang termino pa lang bilang alkalde si Ruiz. Bago nito, nagsilbi siya ng tatlong termino bilang bise alkalde.

Pumalit kay Ruiz bilang alkalde si Vice Mayor Rimel Tolentino alinsunod sa law of succession. Nanumpa na siya sa tungkulin noong Setyembre 11.

Ang nabakante naman niyang posisyon na bise alkalde ay napunta sa first councilor na si Junard Ramos, isang abogado. 

--Ulat ni Harris Julio

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.