PatrolPH

ALAMIN: Paano mag-apply bilang contact tracer ng gobyerno

Zen Hernandez, ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2020 08:12 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Umpisa na ang application para sa 50,000 contact tracers na kailangan i-hire ng pamahalaan para maawat ang pagkalat ng COVID-19 sa Pilipinas. 

Nasa P5 bilyon ang inilaang pondo para sa hiring ng libo-libong contact tracers sa ilalim ng Bayanihan to Recover As One Act (Bayanihan 2).

Sa ngayon, may 85,000 contact tracers na ang pamahalaan, pero kailangan pa ng dagdag na 50,000 para maabot ang target na 135,000 o isang contact tracer kada 800 Pilipino. 

Sa mga taga-Metro Manila na interesadong maging contact tracer, pumunta lang sa contacttracing.ncr.dilg.gov.ph, at i-click ang "apply now" at ipasok ang mga personal information.

Requirements sa pagiging contact tracer:

  1. Letter of intent
  2. Personal data sheet (downloadable)
  3. NBI clearance
  4. Drug test result

Prayoridad ang mga graduate ng allied medical courses at criminology pero ikokonsidera ang ibang aplikante basta’t college graduate.

Kapag kalipikado, susunod na sasalang ang mga ito sa training.

Salary grade 9 o P18,784 ang sahod ng mga contact tracer na iha-hire sa ilalim ng contract of service basis at tatagal hanggang Disyembre.

Pero nauna nang sinabi ng Department of the Interior and Local Government na target nilang palawigin ang kontrata ng mga contract tracer nang hanggang isang taon.

Hanggang Setyembre 23 lang tatanggap ng application ang mga DILG field offices na matatagpuan sa bawat LGU.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.