P204-milyong halaga ng 'shabu' nasamsam sa Pasig

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2019 12:40 AM | Updated as of Sep 17 2019 07:01 PM

Jerome Lantin, ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE) — Nasamsam ng mga awtoridad noong gabi ng Lunes sa Pasig City ang nasa P204 milyong halaga ng hinihinalang shabu mula sa lalaking umano ay distributor ng mga convicted drug lord.

Sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO), kinilala ang suspek bilang si Manolito Lugo Carlos o alyas "Lito" at "Tonge."

Sa bisa ng search warrant, sinalakay ng mga tauhan ng NCRPO at Philippine Drug Enforcement Agency ang isang condominium unit sa Barangay Rosario, kung saan nahuli ang suspek at nakuha ang droga.

Nakuha ng mga operatiba ang nasa 30 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P204 milyon at inilagay sa mga pakete ng Chinese tea, ayon sa ulat.

Watch more in iWant or TFC.tv

Narekober din umano ang drug paraphernalia at mga bank deposit slip na bayad para sa droga, sabi ng pulisya. 

Ikinasa ang operasyon matapos magsagawa ng surveillance ang mga awtoridad laban kay Carlos. 

Isang high-value target at miyembro ng sindikatong sangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga sa Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon si Carlos, ayon sa pulisya.

Naaresto noong 2000 ang suspek dahil sa kasong may kinalaman din sa ilegal na droga pero napawalang-sala din siya.

Si Carlos ay distributor ng ilegal na droga para sa mga drug lord na nakapiit sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City, ayon kay Maj. Gen. Guillermo Eleazar, hepe ng NCRPO.

"This is proof that although the drug lords are already detained, they are able to operate and push transactions by giving instructions to their henchmen outside the jail," ani Eleazar sa pahayag.

Kakasuhan si Carlos ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.

-- Ulat nina Arra Perez at Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.