Lola nalingat, 1 taon gulang na apo nalunod sa fishpond

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2019 03:30 PM

GENERAL SANTOS CITY - Natagpuang lumulutang sa fishpond malapit sa kanilang bahay sa Barangay Labangal dito ang 1-taong gulang na babae noong Lunes ng hapon.

Nalingat umano ang 56-anyos na lola ng bata na siyang bantay dahil kumukuha raw siya ng mga sinampay.

Ilang minuto ang lumipas nang mapansin ng lola na nawawala na ang bata at kalaunan ay natagpuan ang paslit sa kalapit na fishpond.

Domestic helper sa Saudi Arabia ang ina ng bata habang sa Davao City naman ang trabaho ng ama niya kaya tanging ang lola ang nag-aalaga sa bata.

Pinaalalahanan naman ng mga awtoridad ang mga pamilya na huwag hayaang mawalay sa kanilang paningin ang mga bata upang makaiwas sa disgrasya.

- ulat ni Yen Mangompit, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.