Higit P2 milyong halaga ng 'shabu' nasamsam sa Negros

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2019 01:22 AM

BACOLOD CITY - Aabot sa halos P2.3 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam sa magkakahiwalay na operasyon kontra droga sa mga lalawigan ng Negros nitong Lunes.

Nabawi ng City Drug Enforcement Unit ng Bacolod City ang P1.8 milyong halaga ng hinihilang shabu sa buy-bust operation sa lungsod, Lunes ng gabi.

Subject ng operasyon si alyas "Buktot" na ayon sa pulisya ay matagal na nilang sinusubukang hulihin.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na itinuturing na high-value target ng kapulisan.

Arestado din ang isa pa niyang kasamahan.

Limang lalaki naman ang naaresto sa isang buy-bust operation sa Silay City sa Negros Occidental. Nakuha mula sa kanila ang 10 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P315,000.

Samantala, sa Dumaguete City sa Negros Oriental, arestado rin ang isang 37 anyos na lalaki na nasa drug watchlist ng pulisya.

Nabawi sa kanya ang 10 sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P170,000.

Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang isasampa laban sa mga naaresto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.