Halos 120 pamilya nasiraan ng bahay dahil sa malakas na alon sa GenSan

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2019 04:09 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

GENERAL SANTOS CITY—Nasira ang mga bahay ng halos 120 pamilya sa General Santos City dahil sa malakas na alon dala ng masamang panahon.

Sa tala ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), nasa 62 pamilya ang apektado sa Barangay Dadiangas South, 32 pamilya sa Barangay Dadiangas West, at 21 pamilya sa Barangay Bula.

"Siyempre mataas na dati 'yung lebel ng tubig and then malakas 'yung hangin. What used to look normal dahil malakas ang alon, nagiging abnormal dahil it's closer to the houses because of the higher tide," ani Dr. Bong Dacera, action officer ng CDRRMO.

Hindi na inirekomenda sa mga apektadong pamilya na bumalik pa sa mga nasira nilang bahay dahil lubhang mapanganib na ito.

"As of Saturday, we have relocated 25 families to Guardian Hill in Barangay Bawing. Ito po 'yung permanent na resettlement para sa kanila," dagdag ni Dacera.

Ayon sa PAGASA, bumubuti na ang panahon ngayon pero aasahang may mga pag-ulan.

"Localized thunderstorms lang ang magbibigay sa atin ng mga pag-ulan dito sa Soccsksargen," ani Rodrigo Mamites, weather observer ng PAGASA-GenSan.

Nagbabala naman ang CDRRMO na posibleng maulit pa ang malalakas na alon sa Sarangani Bay dahil sa namataang bagong low-pressure area sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

"Just like what happened to Marilyn, we think this will enhanced the southwest monsoon," ani Dacera.

Patuloy na pinapayuhan ang mga nakatira sa mga danger zone na i-monitor ang lagay ng panahon, kapag may nagbabantang peligro, agad na lumikas para makasiguro ang kaligtasan ng pamilya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.