PatrolPH

DENR nagbabala sa epekto ng haze mula forest fires sa Indonesia

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2019 02:35 AM | Updated as of Sep 17 2019 03:16 PM

Watch more on iWantTFC

GENERAL SANTOS CITY (UPDATE)—Umabot na sa Davao region at Soccsksargen ang haze mula sa forest fires sa Indonesia, ayon sa Environmental Management Bureau (EMB) ng mga naturang rehiyon.

Kinumpirma ng ahensiya na nakarating na ito ng southern Philippines at nakakaapekto na sa buong rehiyon. Napansin na rin ito ng ilang taga-GenSan.

“Nag-wonder nga kami kanina kasi parang ang dumi-dumi ng hangin, parang may usok kaya tinatakpan ko na lang ng T-shirt ang ilong ko kasi hindi pa ako nakabili ng face mask," ani Honey Pearl Jover.

Inakala ng ilan na fog ang nakabalot sa papawirin ng GenSan. Pero ayon sa EMB-Soccsksargen, unhealthy smog o haze o usok na ang mga ito na galing sa forest fires sa Sumatra at Kalimantan sa Indonesia.

"Precaution lang, to all 'yung may mga allergy particularly 'yung sa mga allergy sa lungs, sa mga respiratory, 'yung may mga asthma, as much as possible huwag munang maglabas-labas, to be confined sa mga lugar na medyo sarado para hindi naman sila masyadong makahinga nitong mga pollutant na dulot ng haze," ani Alex Jimenez, regional director ng EMB-Soccsksargen.

Sa pinakahuling air quality monitoring ng EMB-Soccsksargen, nasa normal level pa at maituturing pang good at fair condition ang air quality sa rehiyon sa kabila ng haze na galing sa Indonesia.

“Sinasabi nga na ‘yung pollutant, wala talagang boundary 'yan. It is carried from one country to another," dagdag ni Jimenez.

Umabot na rin ang haze sa iba pang lugar sa bansa tulad ng Bacolod, Iloilo, Dumaguete, Cebu, Zamboanga, Puerto Princesa, Tagum City at Koronadal City.

Babala ng General Santos City Disaster Risk Reduction and Management Office, posibleng magpataas ito sa iba pang respiratory illness.

“It might be better to stay indoors and if ever you go out, you wear face masks," ani Dr. Bong Dacera, action officer ng CDRRMO sa GenSan.

Ayon sa PAGASA, nakarating ng bansa ang haze dahil hinahatak ito ng hanging habagat.

"Kasi habagat naman tayo, 'yung Indonesia nasa southern part, dinala 'yan dito sa atin ng hanging habagat," ani Rodrigo Mamites, weather observer ng PAGASA-GenSan.

Ayon sa EMB-Soccsksargen, bumaba na ang pollutants sa haze base sa daily air quality monitoring nila. Pero tumatagal pa ito sa rehiyon dahil sa mabagal na paggalaw ng hangin. Hindi rin matiyak ng ahensiya kung kailan magtatagal ang haze sa bansa.

Sa Calinan, Davao City, kapansin-pansin sa larawan na kuha ng EMB-Davao particulate matter station na nabalot ng haze ang papawirin sa lungsod Lunes ng hapon.

Naitala ang mataas na particulate matter mula noong Biyernes, Setyembre 13. Pinakamataas noong Setyembre 15 na umabot sa 41.9 microgram per normal cubic meter.

Ayon kay Melvin Dapitanon, air quality in-charge ng EMB-Davao, nasa normal level pa at maituturing pang good at fair condition ang air quality sa kabila ng haze mula sa sunog sa Sumatra at Kalimantan sa Indonesia.

Pinag-iingat ng EMB-Davao ang mga residente lalo na ang may mga respiratory problems dahil inaasahang mas lalala pa ang haze na hinahatak ng low pressure area at habagat.

"Iwasan ng mga bata na may hika at ng matatanda ang paglabas. As a precautionary, cautionary pwede gumamit ng mask para hindi directly makapasok sa respiratory system," ani Melvin Dapitanon, air quality in-charge ng EMB-Davao.

Noong 2015, natala ng ahensiya ang pinakamalala na haze sa Davao City na umabot sa mahigit 75 microgram per normal cubic meter.

--May ulat ni Andoreena Causon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.