Balyena natagpuang patay sa baybayin ng Tagum City

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2019 01:27 AM

TAGUM CITY- Patay na nang makita ng mga mangingisda sa baybayin ng Barangay Madaum sa Tagum City ang isang pygmy sperm whale nitong Linggo ng umaga.

Isinailalim agad sa necropsy ang hayop upang malaman ang sanhi ng pagkamatay nito.

Walang nakuha na plastik sa tiyan ng balyena na kalimitang dahilan ng pagkamatay ng mga hayop na katulad nito.

Ayon sa marine biologist na si Darrell Blatchley, posibleng dehydrated ang hayop dahil na-stranded ito sa mababaw na parte ng dagat. Posible umanong sira ang echolocation system nito.

"Walang nakita na plastic sa loob, nakita na may tubig sa lungs so posible nalunod siya, low tide pero ang mga hayop na ito sanay naman sa low o high tide so either posible sa dynamite fishing sa Davao Gulf o sa lindol kaya nadisrupt ang echolocation system niya," paliwanag ni Blatchley.

Bawal kainin ang karne ng balyena dahil bukod sa endangered species ito, delikado rin dahil puno ito ng parasite na delikado sa katawan.

"So lahat na sample na kinuha ipapadala namin sa NFRDI ang research arm ng BFAR para malaman natin ang cause of death ng animal," sabi ni Cheyserr Belvis ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region XI.

Matapos ang necropsy ay nakatakdang ibaon sa lupa ang karne ng hayop habang ang buto nito ay ipi-preserve sa D'bone Collector Museum.

Ito na ang pang-apat na sperm whale na namatay at narekober sa Davao Gulf ngayong taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.