AWOL na pulis, 3 iba pa timbog sa carnapping sa QC

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2019 03:33 PM | Updated as of Sep 17 2019 08:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang pulis na nag-AWOL (Absent Without Official Leave) at 3 iba pa ang natimbog ng Quezon City Police District (QCPD) noong Linggo dahil sa umano ay pagtangay ng sasakyan.

Sa ulat ng QCPD Station 2, kinilala ang mga naaresto bilang si Patrolman John Rhey Bautista at sina Albert Hipolito, Christopher Orosco, at Roderick Sarang. 

Patuloy naman ang pagtugis sa isa pang suspek na kinilalang si Joanna Turingan.

Ayon sa ulat ng pulisya, nilapitan ni Turingan noong Setyembre 12 ang complainant para arkilahin ang Mitsubishi Montero at Mitsubishi Mirage nito sa halagang P22,000.

Napagkasunduan din umano ni Turingan at ng complainant na ibabalik ang sasakyan sa Linggo, Setyembre 15.

Pero noong Linggo, bigla raw pinatay ang Global Positioning System (GPC) ng 2 sasakyan kaya dumulog na sa pulisya ang complainant.

Na-track ang kinaroroonan ng Montero sa Visayas Avenue dahil naiwanang bukas ang back-up GPS ng sasakyan, ayon sa pulisya.

Nahuli ang 4 na suspek habang sakay ng Montero sa may Tomas Morato Avenue, sabi ng pulisya.

Nakuha umano sa mga suspek ang isang kalibre 9mm pistol, isang short magazine na may 7 bala, isang long magazine na may 18 bata, isa pang baril na may magazine na naglalaman ng 15 bala, 3 cellphone, police ID ni Bautista, assorted IDs, at firearm license card.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong carnapping at illegal possession of firearms and ammunition. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.