Aso nagligtas sa among inaatake sa puso sa Ilocos Norte

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2019 04:21 PM

Bayani na kung ituring ng pamilya Abrenica ang alaga nilang aso na si Rio matapos maisalba ang 67 anyos na kaanak. Photo Courtesy: Lemuel Salvador

Pinatunayan ng isang aso sa Ilocos Norte na sila ay itinuturing na man's bestfriend matapos isalba ang kaniyang among inaatake sa puso.

Mag-isa lamang ang 67 anyos na si Pio Abrenica sa kanilang bahay noong Huwebes ng umaga nang atakihin ito sa puso.

Kuwento ng hipag ni Abrenica na si Loida Cristobal, nagulat na lang siya nang makalabas ang alagang aso na si Rio na nakatali lamang sa puno ng bayabas.

Iniikot-ikutan raw ni Rio si Cristobal para magpahiwatig na humihingi siya ng tulong.

At nang makapasok si Cristobal sa bahay, nakita niyang nakahandusay si Abrenica.

Sinamahan pa raw si Cristobal ng aso pagpasok sa bahay.

Sa ngayon ay nagpapagaling sa ospital si Abrenica, na "anak" ang turing sa alagang aso.

Ayon sa beterinaryong si Mary Jane Galvez, nagkakaroon ng emotional attachment ang mga aso at sa nag-aalaga sa mga ito.

"They have this instinct na ire-reciprocate nila 'yung love na binibigay natin sa kanila. Kung ano 'yung may emotions, alam nila kung ano nararamdaman ng amo o kung in danger sila," ani Galvez.

Payo niya, mainam na idaan sa training ang mga aso dahil madali lang naman daw matuto ang mga ito.

-- Ulat nina Bryan Realgo at Ria Galiste, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.