Sundalo patay sa engkwentro sa Samar

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2018 05:41 PM

Isang sundalo ang namatay sa engkwentro sa pagitan ng militar at hinihinalang mga miyembro ng New People's Army Biyernes ng hapon sa Matuguinao, Samar.

Ayon sa impormasyon mula sa 8th Infantry Division ng Philippine Army, nagsasagawa ng clearing operations ang tropa ng 63rd Infantry Battalion nang makasagupa ng mga sundalo ang aabot sa 10 rebelde sa Barangay Mahayag sa Matuguinao.

Umabot sa 20 minuto ang bakbakan na nagresulta sa pagkasawi ng sundalong nakilalang si Sgt. Daniel Silagan.

Patuloy ang isinasagawang hot pursuit operations laban sa mga naka-engkwentrong rebelde.

Ikinalulungkot ng Philippine Army ang pagkasawi ni Silagan ngunit hindi umano ito ang magiging dahilan upang itigil ang kanilang hakbang para sa kapayapaan sa Eastern Visayas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.