Small-scale mining sa Cordillera, pinatitigil

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2018 02:51 PM | Updated as of Sep 17 2018 09:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinatitigil ni Environment Secretary Roy Cimatu ang mga operasyon ng small-scale mining sa rehiyon ng Cordillera kasunod ng mga serye ng pagguho ng lupa sa Itogon, Benguet, inanunsiyo nitong Lunes ng kalihim.

Ayon kay Cimatu, magpapadala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng mga armadong tauhan sa Cordillera Administrative Region para ipatigil ang mga aktibidad ng small-scale mining o ang pagmimina ng isang minero na hindi empleyado ng mining company.

Kung mayroon mang nabigyan ng permit na small-scale miner, suspendido muna ang kanilang operasyon, ani Cimatu.

Nitong Lunes, umabot na sa 54 ang nasawi sa Cordillera, karamihan ay dahil sa mga pagguhong bunsod ng mga ulang dala ng bagyong Ompong.

Isa sa mga insidente sa Itogon ay ang pagguho ng lupa sa isang bunkhouse sa Barangay Ucab na tinutuluyan ng mga minero. Hindi bababa sa 40 bangkay ang nahukay rito habang may 30 pang nawawala.

Dalawang minero ang nakuhang buhay matapos gumapang sa lagusan, sabi nitong Lunes ni Itogon Mayor Victorio Palangdan sa DZMM.

-- May ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.