Palparan, guilty sa pagdukot sa 2 estudyante

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2018 12:11 PM | Updated as of Sep 17 2018 10:04 PM

Ang retiradong heneral na si Jovito Palparan. Ted Aljibe, AFP File Photo

MANILA -- Hinatulan nitong Lunes ng Malolos Regional Trial Court (RTC) si dating Major General Jovito Palparan na guilty sa mga kasong kidnapping at illegal detention kaugnay sa pagkawala noong 2006 ng dalawang mag-aaral ng University of the Philippines.

Bukod kay Palparan, hinatulan din ng Malolos RTC Branch 15 na guilty sa mga parehong kaso sina Lt. Col. Felipe Anotado Jr. at si Staff Sgt. Edgardo Osorio. 

Nahaharap ang tatlo sa reclusion perpetua o pagkakakulong na hindi bababa sa 30 taon. Pinagbabayad din ang bawat isa sa kanila ng P300,000 civil indemnity at moral damages sa mga pamilya ng dalawang estudyante. 

Nakadetene si Palparan sa Army Custodial Center sa Fort Bonifacio, Taguig City dahil sa kaniyang papel sa umano ay pagkawala nina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño.

Pero dahil sa desisyon, dadalhin siya sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.

Dinukot umano ng mga armadong lalaki naka-bonnet noong Hunyo 26, 2006 sina Cadapan at Empeño sa isang bahay sa Barangay San Miguel, Hagonoy, Bulacan. Labis din umano silang pinagmalupitan ng mga tauhan ni Palparan at hanggang ngayon ay hindi pa rin sila natatagpuan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Noong panahon ng pagdukot, kumukuha ng kursong sports science si Cadapan habang nag-aaral naman ng sociology si Empeño.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, patunay ang hatol kay Palparan na nakakamit ang hustisya gaano man katagal ang proseso.

"Justice may come a bit late but it does come [Matagal man bago dumating ang katarungan pero dumarating pa rin ito]," ani Guevarra.

Sa isang pahayag, pinuri ng National Union of People's Lawyers (NUPL) ang desisyon ng korte at sinabing isa itong babala sa mga lumalabag sa mga karapatang pantao.

Matapos ilabas ang desisyon, inihayag ni Palparan ang kaniyang pagkadismaya sa naging hatol sa kaniya. 

Susubukan umano ng kampo ni Palparan na umapela laban sa desisyon.

Tiniyak naman ni Bureau of Corrections chief Ronald Dela Rosa na hindi mabibigyan ng "special treatment" sa Bilibid si Palparan at tatratuhin ito gaya ng ibang nakapiit doon.

Patuloy namang tinutugis ang isa pa umanong kasamahan ni Palparan, si Rizal Hilaro. Naglabas na ng warrant of arrest ang korte laban sa kaniya.-- May ulat nina Ron Lopez, Doland Castro at Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.