Militar: 7 Tausug na napatay sa Sulu, hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2018 01:36 PM | Updated as of Sep 17 2018 03:01 PM

Retrato mula sa Suara Bangsamoro

Nangatwiran nitong Lunes ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagkakapatay noong nakaraang linggo sa pitong Tausug sa Sulu, na anila'y mga hinihinalang miyembro ng teroristang grupong Abu Sayyaf.

Ayon kay Colonel Edgard Arevalo, tagapagsalita ng militar, lehitimo ang operasyon ng Joint Task Force Sulu noong Biyernes sa Barangay Bakong, bayan ng Patikul, na nauwi sa halos dalawang oras na engkuwentro at pagkamatay ng pitong tao.

Nakipagpalitan ng mga putok ng baril sa militar ang pito, ani Arevalo.

Watch more in iWantTFC

Batay umano sa military at civilian intelligence, kumpirmadong teritoryo ng Abu Sayyaf ang lugar at walang sibilyang tumutuntong doon.

Nasugatan din umano sa engkuwentro ang anim na iba pang rebelde kabilang si Abu Sayyaf sub-leader Hatib Hajan Sawadjaan.

Umabot naman sa 17 sundalo ang nasugatan.

Nakumpiska rin umano ng militar ang mga baril, bala, at gamit sa paggawa ng bomba.

Nauna nang tinawag ng militanteng grupong Suara Bangsamoro na "massacre" ang pagpaslang sa pitong Tausug.

Ayon sa grupo, nagtatrabaho bilang mga tagaani ng prutas ang mga napatay.

Ilan pa umano sa kanila ay kabilang sa nakatatanggap ng tulong mula sa programang Pantawid Pamilyang Pilipino ng gobyerno.-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.