72 anyos na lolo arestado sa pananaksak sa Mandaluyong

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2018 11:16 AM

MAYNILA - Arestado ang isang 72 anyos na lalaki matapos saksakin ang 2 niyang kapitbahay sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong City nitong Sabado.

Bagama't ligtas naman ang kalagayan, nagtamo ng ilang sugat sa braso ang mga biktimang sina Marilyn Camar, 51, at anak niyang si Adrian, 23.

Ayon sa pulisya, kinumpronta ni Camar ang suspek na si Clarito Sarnadilla hanggang sa mauwi ito sa alitan. Bigla na lang umanong bumunot ng kutsilyo ang matanda at sinaksak ang babae.

Nakatakbo naman palayo si Camar pero nagalit ang anak nito nang makita ang nangyari at nagpasyang sumugod sa suspek. Nasaksak siya sa braso at agad isinugod sa ospital.

Rumesponde naman sa gulo ang mga pulis pero dalawa sa mga ito ay nasugatan nang iwasiwas ng suspek ang kanyang kutsilyo. Sa kabila nito, naaresto pa rin nila ang matanda.

Inihahanda na ng pulisya ang reklamong attempted homicide at direct assault laban kay Sarnadilla.--ulat mula kay Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.