3 batang inanod sa Tullahan River, hinahanap pa rin

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2018 06:51 PM

Nagpatuloy nitong Lunes ang paghahanap ng mga awtoridad sa tatlong batang inanod ng malakas na agos ng Tullahan River sa Valenzuela City noong hapon ng Linggo.

Tumulong na ang Philippine Coast Guard sa rescue team sa paghahanap sa 13 anyos na si Rheniel Tejadilla, ang kaniyang 10 anyos na kapatid na si Kerby Tejadilla, at ang kanilang 10 anyos na kaibigang si Ian Salud.

Nakikipag-ugnayan na rin ang mga awtoridad sa Valenzuela sa mga awtoridad sa Navotas at Malabon sakaling inanod doon ang mga bata.

Ayon sa rescue team, hindi na sila umaasang makikita pa nang buhay ang mga bata lalo at higit isang araw na nilang ginagalugad ang Tullahan River.

Sa paunang impormasyong nakuha ng rescue team, magkakasama ang tatlo, kasama ang dalawa pang bata, para maglaro ng basketbol subalit nahulog ang bola sa ilog na pilit kinuha ng mga bata. 

Nahatak ng malakas na agos ng tubig ang mga bata at tuluyan silang tinangay.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.