3 bata, inanod sa Tullahan River

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2018 07:10 AM

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

MAYNILA - Patuloy na pinaghahanap ang 3 batang lalaki na inanod ng malakas na agos ng Tullahan River sa Valenzuela City nitong Linggo ng hapon.

Kinilala ang mga bata na sina Rheniel Tejadilla, 13-anyos, kapatid na si Kerby Tejadilla, 10-anyos, at kaibigan nilang si Ian Salud, 10-anyos.

Ayon kay Eduardson Oblima, Valenzuela City rescue officer, nanghuhuli ng isda at naglalaro malapit sa ilog ang 3 bata.

Una umanong tinangay si Rheniel at agad tinulungan ng 2 bata at isang kaibigan pa na si Joshua Nel Casing, 11-anyos.

Dahil sa lakas ng agos ng ilog, inanod silang lahat.

Nakaligtas naman si Casing matapos makakapit sa puno ng saging at matulungan ng isang nakakitang backhoe operator.

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Magdamag na ipinagpatuloy ng mga rescuer ang paghahanap sa 3 bata hanggang Lunes ng madaling-araw.

Ayon kay Oblima, nagpapahirap sa kanila ang dilim at lakas ng agos ng ilog.

Kasama naman sa mga naghihintay ang mga kaanak ng mga nawawalang bata, lalo na ang inang si Annaliza Tejadilla, na nagtatrabaho sa palengke nang malaman ang nangyari sa mga anak.

"Umaasa pa rin ako na sana makita sila, na sana nandiyan lang sila sa gilid, sana buhay pa sila na makita sir. Umaasa pa rin ako," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.