Tauhan ni ex-vice mayor Parojinog patay sa pamamaril

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2018 07:16 AM | Updated as of Sep 17 2018 03:44 PM

2 pa sugatan 

MANDAUE, Cebu - Patay ang isang lalaking staff member ni dating Ozamiz Vice Mayor Nova Parojinog makaraang barilin ng mga nakamotorsiklong gunman sa bayan na ito, Linggo ng gabi. 

Sa kuha ng CCTV, makikitang huminto ang motorsiklong minamaneho ng biktimang si Renan Mavida sa Abellana Street, Barangay Cubacub, kung saan bumaba ang kaangkas niya na si Mark Castillo. 

Dito na dumating ang mga riding-in-tandem na suspek at binaril si Castillo. 

Tumakbo si Castillo pabalik sa kasamahan kaya sinundan siya ng mga suspek. Binaril din nila si Mavida, na agaran nitong ikinamatay. 

Natamaan naman ng bala ang isa pang lalaking naglalakad lang sa lugar. 

Isinugod siya sa ospital kasama si Castillo, na tauhan din ni Parojinog. 

Hinihinalang sangkot si Castillo at Mavida sa pagbebenta ng ilegal na droga sa Mandaue, ayon sa pulisya. Inaalam pa kung mayroon silang mga kasabwat. 

Nakakulong naman sa police Custodial Center in Camp Crame ang dati nilang boss na si Parojinog dahil sa kasong kaugnay ng mga nasamsam na droga at armas sa kaniyang bahay sa Ozamiz noong Hulyo 2017. 

Napatay sa naturang operasyon ang ama ng dating bise alkalde na si Ozamis City Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog, asawa nito at 13 iba pa matapos umanong manlaban sa mga pulis. 

Ulat ni Donna Lavares, ABS-CBN News ​

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.