2 pulis nagbarilan sa Caloocan, engkuwentrong nagsimula dahil sa toothpick

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2017 03:54 AM

Iniimbestigahan ng Scene of the Crime Operatives ang canteen kung saan nagbarilan ang dalawang pulis sa Caloocan nitong Sabado. Retrato mula kay Estela Callao

Nagbarilan ang dalawang pulis dahil sa away sa isang canteen sa Caloocan city Sabado.

Nagtamo ng sugat sa hita ang pulis-Caloocan na si SPO1 Rommel Bautista matapos makipagbarilan sa isang pulis-Maynila na si PO2 John Paul dela Fuente sa Mabini Street, Barangay 12, Caloocan. 

Ayon sa isang saksi, nag-ugat ang barilan matapos makipagtalo ang pulis-Maynila sa isang Danny Sta. Maria na kumakain din sa lugar dahil lamang sa toothpick.

Kumuha aniya ng toothpick si Sta. Maria sa mesa ng pulis kaya't nabastusan ito. Bagamat humingi siya ng pasensiya ay sinigawan pa rin siya ng pulis.

Dito na aniya nagalit si Sta. Maria at sinuntok si Dela Fuente kaya't gumanti din ng sapak ito. Naawat naman ng mga tao ang dalawa atsaka ito nag-usap.

Ngunit matapos nito ay umalis aniya si Sta. Maria at pumunta sa kalapit na simbahan. Pagbalik ay kasama na niya si Bautista na nakasibilyan.

Ayon sa imbestigasiyon, pagdating ni Bautista ay bumunot na umano ng baril si Dela Fuente na nauwi sa palitan ng putok. Ngunit batay sa mga saksi sa lugar ay si Bautista ang naunang bumaril.

Aabot sa 13 basyo ng bala ang narekober sa crime scene.

Agad namang isinugod sa katapat na Caloocan City Medical Center si Bautista na nasa ligtas nang kalagayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.