Lalaki, patay sa operasyong kontra-droga sa Las Pinas

Hajj Kaamino, ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2016 10:18 AM

MANILA – Patay ang isang suspek sa isinagawang operasyon ng mga pulis kontra-droga sa Las Pinas Biyernes ng gabi.

Tatlong tama ng bala sa katawan ang tumapos sa buhay ni Raffy Cajeda, na nasa drug watchlist umano ng barangay, nang umano’y makipagpalitan ito ng putok ng baril sa mga pulis na dumalo sa bahay nito sa Manggahan, Barangay Talon Dos.

Ayon kay Police Senior Superintendent Jemar Modequillo, magsasagawa sana sila ng buy-bust operation pero bago pa man magkaroon ng transaksyon ay nakatunog na umano si Cajeda na may mga pulis kaya't bumunot ito ng baril.

Nakuha mula sa suspek ang anim na plastic sachet na pinaghihinalaang naglalaman ng methamphetamine, na kilala rin bilang "shabu", at isang .38-kalibreng baril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.