TFC News

OFW retirement system, ikinasa sa Kamara

TFC News

Posted at Sep 16 2023 06:05 AM

MANILA – Para sa marami, hindi talaga pang habambuhay ang pag-aabroad. Marami man ang nagtatagumpay sa pangingibang bayan, may mga umuuwi ring luhaan at ang masaklap pa wala na silang makuhang trabaho pag-uwi sa Pilipinas dahil sa kanilang edad.

Kaya naman malaking maitutulong ng dalawang panukalang batas na nakahain sa Kamara ngayon, una ang House Bill (HB) 00176 o ang Overseas Filipino Workers Retirement System Act ni Rep. Caroline Tanchay at Rep. Rodante Marcoleta.

At ang HB 8574 o ang Kabayan OFW Pension Act na inihain naman ni Rep. Ron Salo. Layon ng dalawang House Bill na maibsan ang pag-aalala ng mga OFW kapag sila’y magreretiro na.

Suportado ng maraming sektor ng gobyerno ang panukala, kasama na rito ang Commission on Human Rights o CHR.

"To this end, the proposed bills–HB 00176 and HB 8574 – are seen as steps toward fulfilling the government’s obligation to uphold the people’s right to social security," sabi ng CHR sa kanilang pahayag.

Isusulong ng HB 00176 ang pagkakaroon ng retirement system na magbibigay ng retirement benefits ang OFWs, pension para sa kanilang dependents, voluntary separation benefits, at isang set ng retirement fund na magbibigay pa ng ibang biyaya.

Layon naman ng HB 8574 na isulong ang social justice at pagkakaroon ng sapat na proteksyon ang OFWs at kanilang dependents sa kanilang pagtanda, pagkakasakit, kamatayan, unemployment at iba pang biglaang pangangailangan.

Malaki ang maaring maitulong nito sa OFWs lalo na kung sila’y nabayaran ng sapat na sahod o kaya’y natanggal o nawalan ng trabaho.

Sa pag-aaral ng Bangko Sentral, 53% lang ng mga Pilipino ang nag-iimpok, mula rito 21% lang ang inilalagak ang kanilang pera sa banko. Marami rin ang nalulubog sa utang kapag nawalan ng trabaho.

"The bills’ proponents also stress that current schemes do not respond to the unique circumstances and vulnerabilities that OFWs face. The Social Security System, for example, is voluntary in nature and only matures at the age of 60 and does not allow for early retirement nor voluntary separation benefits," dagdag ng CHR.

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Europa, Gitnang Silangan at Africa, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.