TFC News

Pinoy binigyan ng pardon sa pagpatay sa asawa sa UAE

Rachel Salinel | TFC News United Arab Emirates

Posted at Sep 16 2022 06:46 PM

DUBAI - Binigyan ng pardon ng gobyerno ng United Arab Emirates ang isang Pilipino sa Dubai sa kasong pagpatay sa kanyang asawa matapos makulong ng labing-anim na taon at sampung buwan. 

Si alyas Sandro, 58 taong-gulang, tubong Iloilo ay nakulong dahil sa pagpatay sa kanyang asawa nang mahuli niyang may ibang karelasyon ito. 

Siya ay dating nakatira sa Satwa sa Dubai at nagtratrabaho bilang isang merchandiser nang maganap ang krimen.

Pinatawad

Siya’y nasentensiyahan ng habang-buhay na pagkabilanggo sa Central Jail Awir sa Dubai hanggang siya'y mapatawad ng gobyerno ng UAE ngayong Setyembre.

Kasalukuyang inaasikaso na ng Assistance to Nationals ng Philippine Consulate General sa Dubai ang pagpapauwi kay alyas Sandro sa buwang ito.

Ayon kay alyas Sandro, hindi na niya alam kung saan ang kanyang mga anak at hindi na rin niya maaabutang buhay ang kanyang nanay sa kanyang pag-uwi sa Pilipinas.

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Gitnang Silangan, Europa at  Africa, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.