PatrolPH

Babae tinaga ng live-in partner umano sa birthday ng anak

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2022 04:50 AM

Babala: May detalye sa artikulong ito na maaaring hindi angkop sa lahat ng magbabasa.

Humantong sa malagim na krimen ang masaya sanang kaarawan ng isang batang lalaki matapos patayin umano ng kaniyang ama ang ina niya sa bayan ng Maco, Davao De Oro, Huwebes ng madaling araw.

Nasawi si Jelly Joy Coscos, 20, matapos pinagtataga umano ng 28-anyos niyang live-in partner.

Ayon sa Maco Municipal Police Station, masaya pa silang nagdiriwang sa birthday ng kanilang anak, Miyerkoles ng gabi. Nagkaroon din ng inuman kasama ang mga bisita at kamag-anak sa kanilang bahay.

Nagkaalitan umano sina Coscos at ang suspek bandang hatinggabi matapos umuwi na ang mga bisita. Nagbanta si Coscos na aalis sa kanilang bahay at isasama ang kanilang anak na lalaki.

Ikinagalit ito ng suspek at pinagtataga ang biktima sa likod, ulo, at iba pang bahagi ng katawan hanggang sa namatay ito.

Sumuko naman ang suspek at dinala siya ng barangay chairman sa police station.

Inihahanda na ng pulisya ang mga ebidensiya sa kasong kriminal na isasampa laban sa suspek.—Ulat ni Hernel Tocmo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.