PatrolPH

Ilang taga-Makati nabulaga umano sa pag-lockdown ng kanilang lugar

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2021 10:46 PM

Isinailalim sa granular lockdown ang kalye sa Barangay Tejeros, Makati nitong Setyembre 16, 2021. Jeck Batallones, ABS-CBN News
Isinailalim sa granular lockdown ang kalye sa Barangay Tejeros, Makati nitong Setyembre 16, 2021. Jeck Batallones, ABS-CBN News

Nagulat si Emi Patnongon nang gumising nitong umaga ng Huwebes. Nadatnan kasi niya na puro tent ang kalye nila sa H. Santos sa Barangay Tejeros, Makati, at may mga pulis at taong naka-personal protective equipment.

Isinailalim na pala sa granular lockdown ang lugar matapos may magpositibo sa COVID-19.

Walo umano ang positibo sa barangay habang 25 ang close contacts.

Higit 600 pamilya ang apektado ng 2 linggong lockdown, kaya problemado si Patnongon dahil hindi nakapaghanda.

"Hindi kami nakapaghanda kung ano kailangan namin araw-araw, lalo na kami, 'yong mineral water namin, 'di kami nakapag-deliver. Saan kami iinom? Sa gripo?" ani Patnongon.

Hindi rin pinayagang makaalis sa lugar ang Grab rider na si Jomel delos Santos, na nakitulog lang sa kamag-anak.

"Mahirap kasi walang advice na maggaganito pala," aniya.

Watch more on iWantTFC

Nauna nang sinabi ng Inter‑Agency Task Force na walang warning ang gagawing granular lockdown, na ipinatutupad sa ilalim ng bagong alert level system.

Nitong Huwebes, dumating naman ang relief packs mula sa Department of Social Welfare and Development, bukod pa sa ibibigay na tulong ng local government unit (LGU).

Sa isang pahayag, sinabi ni Makati Mayor Abby Binay na sagot ng LGU ang mga pangangailangan ng mga residenteng apektado ng lockdown.

Mamimigay din umano ang LGU ng home care kits bukod sa relief packs na pagkain.

Sa Pasay City, nasa 143 na barangay ang nasa localized enhanced community quarantine at may 694 bahay na naka-granular lockdown.

Sa naturang lungsod, basta may 3 o higit pang kaso sa isang lugar, pasok ito sa granular lockdown.

Sinabi naman ni Mayor Emi Calixto-Rubiano na may relief packs na matatanggap ang mga apektadong residente.

Tatagal nang 2 linggo ang Alert Level 4 na umiiral sa Metro Manila.

— Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.